Ibinunyag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na ilan sa mga person of interest sa imbestigasyon ng umano’y planong pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay aktibong uniformed personnel, habang ang isa ay kabilang sa security group ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Matibag sa impeachment trial, kabilang ang mga ito sa mga taong posibleng konektado sa umano’y inupahang tao para patayin sina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling mamatay si Duterte.

Dagdag pa niya wala pang 20 ang kanilang tinututukang person of interest at mayroon na silang mga pangalan.

Tinataya ni Matibag sa 6 hanggang 7 sa 10 ang posibilidad na matukoy ng NBI ang umano’y inupahang killer, at posibleng makilala ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.