Tinatayang nasa 26 mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) kabilang ang ilang miyembro ng University of the Philippines (UP) Vanguard, civil society at civil organizations ang sama-samang sumulat umano kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hinggil sa kontrobersyal na 2025 national budget.
Ayon sa ulat, ipinanawagan daw ng nasabing grupo na ibalik umano ni PBBM sa Bicam ang naturang budget upang mas mapag-aralan daw itong muli.
Kabilang din umano sa iginiit ng grupo ang pagtapyas daw sa pondo ng AFP Para sa modernization program ng naturang ahensya, kung saan bumaba ito ng ₱15 bilyon mula ₱50 bilyon.
Pinuna rin daw ng grupo ang ₱26 bilyong pondo para sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Iminungkahi rin nila na kailangan daw magkaroon ng “open assessment” ng 2025 national budget upang masiguro daw sa mga Pilipino ang malinaw na paglalaanan nito.
Matatandaang ipinagpaliban ni PBBM ang paglagda sa nasabing national budget para sa 2025 kung saan kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may ilang probisyon daw sa nasabing panukala ang maaaring i-veto ng Pangulo.