Isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson ang umano’y multibillion-peso “pork barrel” allocations ng ilang mambabatas, kung saan isang kongresista ang nakatanggap ng hanggang P15 billion.

Sinabi ni Lacson na bago ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), o kilala rin na “pork barrel, ang mga senador ay mayroon lamang P200 million na pork habang ang mga miyembro ng Kamara ay may P70 million.

Ayon kay Lacson, matapos na ideklara na unconstitutional, may ilang senador ang may P5 billion, at may iba na hanggang P10 billion na pork.

Bukod dito, may isa umanong kongresista na may P15 billion na pork barrel allocation.

Matatandaan na idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang PDAF noong 2013.

-- ADVERTISEMENT --

Bago tapusin ni Lacson ang kanyang huling termino noong 2022, nagtagumpay sila ni dating Senator Franklin Drilon na tanggalin ang budgets para sa dredging at flood control projects, na ayon sa kanya ay ito ang ugat ng korupsion.

Subalit sinabi ni Lacson na bumalik na naman ang mga nasabing proyekto.

Kasabay nito, sinabi din ni Lacson ang kanyang nakita sa pagbusisi niya sa 2025 national budget.

Ayon sa kanya, isang item sa budget na nagpapakita na ang isang napakaliit na barangay sa isang maliit na bayan ay mayroong P1.9 billion na pondo.

Sinabi niya na nakakapagtaka ang P10 billion allocation para sa isang maliit na bayan na mayroong 10,000 na residente.

Ayon sa kanya, hindi ito patas na distribusyon ng budget.

Sinabi ni Lacson na hihingi siya ng paglilinaw sa nasabing budget ng nasabing bayan na malapit sa tabing-ilog, at ang inilaang pondo ay para sa flood control.

Gayunman, sinabi ni Lacson na hindi lamang ito ang bayan na matatagpuan sa tabing-ilog.