Hinimok ng International Monetary Fund o IMF ang mga bansang kabilang sa European Union o EU na magsagawa ng malawakang reporma, fiscal consolidation, at joint borrowing upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng gastusin sa depensa, enerhiya, at pensyon sa susunod na 15 taon.

Sa ulat ng IMF na iniharap sa mga finance ministers ng EU sa isang pagpupulong sa Nicosia, sinabi ng organisasyon na posibleng umabot sa 130 porsiyento ng gross domestic product o GDP pagsapit ng 2040 ang utang ng karaniwang bansang European kung hindi maaagapan ang lumalaking public debt.

Ayon sa IMF, kailangang palakasin ng EU ang labor mobility upang mas mapadali ang paglipat ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa sa loob ng bloc at mahikayat ang mga kumpanya na mas maraming empleyado ang kunin.

Iminungkahi rin ng IMF ang mas malawak na integration ng energy markets, pagpapadali ng cross-border investments, at pag-iisa ng ilang batas pang-ekonomiya sa mga bansang miyembro ng EU.

Kabilang din sa mga inirekomenda ng IMF ang pension reforms at posibleng pagtataas ng retirement age upang makatulong sa pagkontrol sa lumalaking gastusin ng mga pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, iminungkahi rin ng IMF na ituring bilang “European public goods” ang mga gastusin sa innovation, energy, at defense at pondohan ang mga ito sa pamamagitan ng joint borrowing o sama-samang pangungutang ng mga bansang miyembro.

Gayunman, nananatiling kontrobersyal sa EU ang usapin ng joint debt dahil may ilang bansang sumusuporta rito tulad ng Spain, Italy, at France habang mariin naman itong tinututulan ng Germany at ilang bansa sa northern Europe.

Binigyang-diin ng IMF na kung hindi agad kikilos ang mga pamahalaan, lalo lamang lalaki ang problemang pinansyal ng rehiyon sa mga susunod na taon.