
Pinalawak ng Iran ang mga pag-atake nito sa rehiyon matapos nitong puntiryahin ang mga pasilidad ng drone at missile ng Estados Unidos sa Kuwait, kasunod ng airstrike ng US sa Qeshm Island sa Strait of Hormuz.
Ayon sa Iranian military, tinarget nito ang mga instalasyon sa Ali Al Salem air base sa Kuwait. Nauna nang iniulat ng Kuwait na rumesponde ang kanilang air defense system sa mga pag-atake gamit ang mga drone.
Samantala, sinabi ng Bahrain na muli nitong naharang ang mga pag-atake mula sa Iran noong Miyerkules, ikatlong insidente sa loob lamang ng isang linggo.
Ang paglala ng tensiyon ay nagdudulot ng panibagong hamon sa mga pagsisikap na wakasan ang sigalot sa Middle East, na nakaapekto na rin sa pandaigdigang suplay ng langis at gas at sa paglalayag sa Strait of Hormuz.
Nagbabala naman si Iranian Army Commander-in-Chief Amir Hatami na mas matinding ganti ang kanilang ilulunsad sakaling muling umatake ang kanilang mga kalaban at mga kaalyado nito.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang diplomatikong pagsisikap ng Qatar upang paliitin ang agwat ng mga panukala para matigil ang labanan.
Samantala, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na wala siyang nakikitang agarang banta ng pag-atake sa Washington, kasunod ng ulat hinggil sa umano’y planong paggamit ng Iran ng tinatawag na dirty bomb. Itinanggi naman ng Tehran ang naturang alegasyon.










