Muling naglunsad ng mga pag-atake ang Iran laban sa ilang bansa sa Gulf at Jordan matapos ang panibagong serye ng airstrikes ng Estados Unidos sa mga target militar nito, na nagpalala sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa mga ulat, tinamaan ng missile at drone attacks ang Kuwait, kabilang ang isang pasilidad ng desalination at ilang imprastraktura sa sektor ng enerhiya.

Pansamantala ring sinuspinde ang operasyon sa Kuwait International Airport dahil sa banta ng mga pag-atake.

Sinabi ng Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran na target nito ang ilang pasilidad na may kaugnayan sa presensya ng militar ng Estados Unidos sa rehiyon.

Iniulat din ang umano’y pag-atake sa mga target sa Bahrain, Jordan, at Saudi Arabia, bagama’t hindi agad nakumpirma ang ilang pahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod ng lumalalang sigalot, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay, lalo na sa Strait of Hormuz na mahalagang ruta ng kalakalan ng langis.

Nanawagan naman ang United Nations na iwasan ang pag-atake sa mga sibilyan at mahahalagang imprastraktura habang patuloy ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.