Nakapagtala ng hindi bababa sa 10 pag-atake sa mga barko sa loob at paligid ng Strait of Hormuz mula Linggo, ang pinakamataas na bilang mula nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos, Israel at Iran.

Batay sa datos ng mga maritime security agency, apat na barko ang inatake noong Martes habang anim naman noong Linggo, na siyang may pinakamataas na bilang ng pag-atake sa iisang araw mula nang magsimula ang sigalot.

Dalawang tripulante ang naiulat na nawawala, habang isang container ship naman ang sinasabing lumubog matapos tamaan ng projectile.

Dahil sa sunod-sunod na insidente, naapektuhan ang paglalayag sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng pagdadala ng langis at iba pang produkto mula sa mga bansang nasa Persian Gulf.

Umabot na sa 23 ang naitalang pag-atake mula nang magsimula ang Oktubre, halos doble ng karaniwang buwanang bilang ng mga insidente mula nang sumiklab ang digmaan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa isang maritime security analyst, maaaring may kaugnayan ang pagdami ng mga pag-atake sa pagbawi ng daloy ng langis sa rehiyon, na muling bumaba matapos makalapit sa antas bago ang digmaan.

Samantala, 24 na marino na ang nasawi sa mga insidente sa paligid ng Strait of Hormuz mula nang magsimula ang sigalot, batay sa datos ng International Maritime Organization.