
Nagbanta ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na isasara rin ang iba pang mahahalagang rutang pandagat na ginagamit sa pagluwas ng langis at iba pang kalakal na pinakikinabangan ng Estados Unidos at mga kaalyado nito. Kasunod ito ng pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz at muling pagpapatupad ng Estados Unidos ng naval blockade sa mga daungan ng Iran.
Ayon sa IRGC, mananatiling sarado ang Strait of Hormuz hanggang sa matapos ang anila’y panghihimasok ng Amerika. Nagbabala rin ang grupong Houthi sa Yemen na maaari nilang isara ang Bab el-Mandeb Strait, isa pang mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan, na posibleng magdulot ng matinding pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Samantala, nagbanta si US President Donald Trump na targetin ang mga power plant at tulay sa Iran kung hindi ito muling makikipagkasundo sa usaping nukleyar. Patuloy rin ang palitan ng pag-atake ng dalawang panig, habang tumataas ang pangamba sa suplay ng langis at sa posibleng paglala ng sigalot sa Gitnang Silangan.










