Naglunsad ang Iran ng isang malakas na missile strike nitong Lunes laban sa Al-Udeid Air Base ng Estados Unidos sa Qatar, ayon sa pahayag ng Iranian armed forces.

Ang naturang base, na matatagpuan malapit sa kabisera ng Doha, ay tahanan ng tinatayang 10,000 US troops at itinuturing na pinakamalaking military installation ng Amerika sa Gitnang Silangan.

Bagamat narinig ang malalakas na pagsabog sa himpapawid ng Doha, kinumpirma ng Qatar Defense Ministry na matagumpay na na-intercept ng kanilang air defense system ang mga missile, at walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Nagsara ang airspace ng Qatar bago pa man ang naturang insidente.

Ayon sa mga ulat, bahagi ang pag-atake ng Iran sa paghihiganti matapos umatake ang mga US B-2 bombers at cruise missiles sa mga pasilidad ng nuclear development sa Iran nitong Sabado.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinondena ng Qatar ang missile strike bilang tahasang paglabag sa kanilang soberanya at pandaigdigang batas.

Nagbabala rin ang Qatar na nakahanda silang tumugon nang naaayon sa laki ng pananalakay at sa ilalim ng international law.