
Inihayag ni US President Donald Trump na umano’y humiling ng ceasefire o tigil-putukan ang pangulo ng Iran, ngunit iginiit niya na kailangan munang muling buksan ng Iran ang Strait of Hormuz bago ito isaalang-alang.
Inaasahang tatalakayin ni Trump ang kalagayan ng digmaan sa isang national speech.
Mariing itinanggi naman ng Tehran na humiling ng tigil-putukan si Masoud Pezeshkian sa Estados Unidos.
Sa halip, inanunsyo pa ng Iran ang panibagong pag-atake gamit ang missiles at drones laban sa Israel at mga base ng US sa Gulf kagabi.
Ang pahayag ni Trump ay lumabas bago ang inaabangang talumpati niya — ang una mula nang sumiklab ang digmaan noong Pebrero 28 matapos ang pinagsanib na pag-atake ng US at Israel laban sa Iran, na nagdulot din ng krisis sa pandaigdigang suplay ng enerhiya.
Ayon kay Trump, ikokonsidera lamang ng Estados Unidos ang ceasefire kung bukas, malaya, at ligtas ang Strait of Hormuz.
Hangga’t hindi ito natutupad, sinabi niyang patuloy nilang lalabanan ang Iran.
Samantala, iginiit ng Iran na walang nagaganap na negosasyon para tapusin ang digmaan.
Iniulat din ang malalakas na pagsabog sa kabisera nitong Tehran.
Gayunpaman, sinabi unang sinabi Pezeshkian na handa ang Iran sa ceasefire kung may garantiya na hindi na muling mauulit ang labanan.
Patuloy namang naninindigan ang Iran’s Revolutionary Guards na mananatiling sarado ang Strait of Hormuz sa kanilang mga kaaway.
Dahil dito, tumaas ang presyo ng langis sa buong mundo, lalo’t dumadaan dito ang malaking bahagi ng suplay ng langis.
Kinumpirma rin nila ang pag-atake sa isang oil tanker sa Gulf na sinasabing pagmamay-ari ng Israel, bagama’t iniulat ng isang British maritime agency na walang nasawi sa insidente.










