Isa ang nasawi habang 527 ang nasugatan sa Taiwan matapos manalasa ang Bagyong Champi, ‘o ‘yung may local name na Bagyong Rosal sa Pilipinas.

Ayon sa fire department ng Taiwan, isang lalaki ang nasawi matapos tangayin ng malalakas na alon sa isla ng Liuqiu, habang daan-daan naman ang nasugatan dahil sa malalakas na hangin at pagbuhos ng ulan.

Mahigit 167,000 kabahayan din ang nawalan ng kuryente, bagama’t naibalik na ang suplay sa karamihan ng mga apektadong lugar.

Umabot naman sa 242 flights ang nakansela nitong Sabado, matapos ang halos isang libong kanselasyon noong Biyernes, habang ikalawang araw nang suspendido ang klase at trabaho sa malaking bahagi ng hilaga at gitnang Taiwan, kabilang ang Taipei.

Ayon sa Central Weather Administration (CWA) ng Taiwan, patuloy nang humihina ang Champi ngunit taglay pa rin nito ang pagbugso ng hanging umaabot sa 126 kilometers per hour habang kumikilos pahilaga patungo sa baybayin ng China at kalaunan ay sa katimugang Japan.

-- ADVERTISEMENT --