
Nadagdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong seafarer na nasawi sa gitna ng patuloy na labanan sa Northern Black Sea matapos kumpirmahin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ikatlong nasawing Filipino.
Sa Saturday News Forum, kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na may tatlong kabuuang bilang ng mga Pilipinong nasawi sa mga pag-atake sa lugar.
Umabot na rin sa 15 ang nasugatan, isa ang patuloy na nawawala, habang 217 ang itinuturing na ligtas.
Sa kabuuan, 236 na Pinoy seafarers na sakay ng 17 barko ang naapektuhan ng girian sa pagitan ng Russia at Ukraine sa Northern Black Sea.
Sa mga ito, 89 na ang nakauwi sa Pilipinas, kabilang ang ilan sa mga nasugatan.
Patuloy naman ang repatriation efforts ng pamahalaan para sa mga apektadong Pilipino.
Inatasan na rin ng DMW ang mga ship owner at manning agency na ilipat sa mas ligtas na lugar ang mga barkong may mga Pilipinong tripulante na nasa Northern Black Sea.
Pinayuhan din ng ahensya ang mga shipping company na pansamantalang iwasang maglayag sa naturang lugar kung may sakay na mga Pilipinong marino habang nagpapatuloy ang labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Matatandaang unang naiulat ng DMW na dalawang Pinoy seafarers ang nasawi sa magkahiwalay na drone attacks noong Hulyo 6 at Hulyo 19.










