
Isa ang nasawi habang 11 ang sugatan matapos muling atakihin ang Riyadh International Airport sa Saudi Arabia nitong Linggo, isang araw matapos ang naunang pag-atake sa parehong paliparan na ikinasawi ng 13 katao at ikinasugat ng mahigit 300 iba pa.
Batay sa ulat ng mga awtoridad ng Saudi Arabia, isang hindi pa natutukoy na projectile ang tumama sa Terminal 4 ng paliparan at nagdulot ng sunog.
Kung maaalala, apat na ring Pinoy ang nasugatan sa naunang pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, tatlo sa kanila ang nasa intensive care unit, habang nakatakda nang makalabas ng ospital ang isa pa.
Samantala, iniulat ng Saudi-led coalition na naharang ng kanilang air defense systems ang isang cruise missile malapit sa King Khalid International Airport, isang drone sa Eastern Province, at isang ballistic missile na patungo sa Khamis Mushait.
Inako naman ng grupong Houthi, na suportado ng Iran, ang responsibilidad sa pag-atake noong Sabado.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Yahya Saree, kabilang din sa mga tinarget ng grupo ang King Fahd International Airport sa Dammam at dalawang pasilidad ng Saudi Aramco.
Dahil sa sunod-sunod na pag-atake, patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang pinsala at kaligtasan ng mga pasilidad sa paliparan sa Dammam.
Naglabas din ng mga babala sa paglalakbay ang ilang dayuhang awtoridad dahil sa tumitinding tensiyon sa rehiyon.










