
Nagbigay ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa isang Pilipinong seafarer na nasugatan sa umano’y drone attack sa oil tanker na ACER sa Persian Gulf noong Oktubre 7.
Ayon sa DMW, nasagip ang seafarer ng Qatar Navy at Qatar Coast Guard at dinala sa Hamad General Hospital sa Doha, Qatar, kung saan siya kasalukuyang nagpapagaling.
Dinalaw siya ng Migrant Workers Office at Overseas Workers Welfare Administration sa Doha, sa pangunguna ni Labor Attaché Eduard C. Ferrer, at binigyan ng damit at iba pang pangunahing pangangailangan.
Patuloy namang imo-monitor ng DMW ang kaniyang kondisyon at makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya para sa kaniyang paggaling at pagpapauwi sa Pilipinas.
Samantala, ligtas ang 24 pang Pilipinong tripulante na bumiyahe na patungong Dubai, kung saan inaasahang dadaong ang barko.










