Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Filipina ang kabilang sa mga nasawi dahil sa heatstroke sa Hajj Pilgrimage sa Saudi Arabia.
Ayon kay Foreign Undersecretary Eduardo de Vega, pumanaw ang Filipina pilgrim nitong June 16 na agad ding nailibing makalipas ang ilang araw.
Ayon sa Philippine Embassy sa Riyadh, nakabase umano sa Riyadh ang naturang Filipina at hindi bahagi ng Hajj delegation na inorganisa ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).
Kabilang ang Filipina sa 900 na nasawi sa Hajj Pilgrimage ngayong taon.
Sinabi ni Usec. De Vega, nagpadala rin ang ahensiya ng mga tauhan sa Saudi Arabia para tumulong sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa pagbabantay at pagtulong sa mga Pilipinong pilgrims.
Tinatayang nasa 5,100 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nakiisa sa Hajj simula ika-14 hanggang ika-19 ng Hunyo.