TUGUEGARAO CITY- Naka-isolate sa Cagayan Provincial Jail sa Tuguegarao City ang isang person deprived of liberty o PDL na nagpositibo sa covid-19.

Sinabi ni Catalino Arugay, warden, ang PDL ay galing ng Caloocan City.

Ayon sa kanya, tinanggap niya ang PDL sa kulungan dahil sa mayroon naman siyang swab test noong June 15 at pumasok noong June 22.

Muling isinailalim sa swab test ang PDL makalipas ang 13 araw at lumabas ang resulta kahapon kung saan ay nagpositibo siya sa virus.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Arugay na agad naman silang nagsagawa ng rapid test sa mga nakasalamuha siya sa kulungan at lahat naman ng mga ito ang nagnegatibo.

Nabatid na ang PDL ay may kasong murder at 19 years na nagtago.

Kaugnay nito, sinabi ni Arugay na itinigil muna ang mga dalaw sa kulungan dahil sa nasabing insidente.

Ito aniya ay upang matiyak na walang mahahawaan ng virus.

Bukod dito, sinabi ni Arugay na ginagawa nila ang lahat ng health protocols laban sa covid-19.