
Muling umatake ang Israel sa mga lugar sa labas ng Beirut, Lebanon nitong Linggo sa kabila ng umiiral na plano para sa tigil-putukan na inihayag ng Estados Unidos noong nakaraang linggo.
Kasunod nito, nagbanta ang isang mambabatas ng Iran ng “matindi at masakit na tugon,” bagay na maaaring magpalala sa tensyon at makasagabal sa mga usapang pangkapayapaan sa rehiyon.
Matagal nang ipinahahayag ng Iran na nakasalalay ang anumang kasunduang pangkapayapaan sa Estados Unidos sa pagpapatuloy ng tigil-putukan sa Lebanon, kung saan nagsagawa ng opensiba ang Israel laban sa grupong Hezbollah na suportado ng Tehran.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula sa pamahalaan ng Iran, sinabi ni Iranian lawmaker Ebrahim Rezaei na dapat bantayan ang magiging tugon ng kanilang bansa kasunod ng pag-atake.
Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na malapit na umano ang isang kasunduan upang wakasan ang sigalot, ngunit muling nagbanta ng panibagong opensiba kung hindi ito maisasakatuparan sa lalong madaling panahon.










