Nagbigay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng pansamantalang regulatory relief sa mga bangko at quasi-banks na naapektuhan ng pagtaas ng bond yields bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa ilalim ng BSP Memorandum No. 2026-027 na inilabas noong Hunyo 19, pinapayagan ang mga institusyong pinansyal na pansamantalang hindi isama sa capital adequacy ratios ang paper losses mula sa government securities.

Ayon sa BSP, layunin ng hakbang na mapagaan ang epekto ng paggalaw ng merkado sa kapital ng mga bangko, katulad ng mga relief na ibinigay noong Global Financial Crisis at COVID-19 pandemic.

Ang mark-to-market losses sa government securities ay karaniwang nakakaapekto sa capital adequacy ratio at common equity tier ng mga bangko dahil ibinabawas ito sa kanilang capital computation.

Gayunman, nilinaw ng BSP na kinakailangan pa ring i-report ng mga bangko ang aktwal na unrealized losses sa kanilang financial statements.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa datos, umabot sa humigit-kumulang 200 basis points ang pagtaas ng bond yields mula nang magsimula ang krisis sa Gitnang Silangan, dahilan ng pagbaba ng market value ng mga lumang bond.

Sinabi rin ng BSP na maaaring ipatupad nang retroactive ang relief para sa Abril at Mayo 2026 capital figures, habang may posibilidad ding maglagay ng limitasyon sa access ng mga bangkong makikinabang sa ilang liquidity facilities upang maiwasan ang moral hazard.