Tinanggihan ng grupong Hezbollah ang muling kasunduan sa ceasefire sa pagitan ng Israel at Lebanon na suportado ng Estados Unidos, na naglalayong ipatupad ang panibagong tigil-putukan sa magkabilang panig.

Sa isang pahayag, sinabi ng lider ng Hezbollah na si Naim Qassem na ang negosasyon ay walang saysay at nakakahiya para sa Lebanon, at iginiit na ito ay tinatanggihan ng malawak na sektor ng mamamayan ng bansa.

Nauna rito, inanunsyo ng Israel at Lebanon ang muling pagpapatupad ng mahina at pansamantalang ceasefire na kinabibilangan ng pagtatatag ng mga “pilot” security zones sa loob ng Lebanon kung saan ipinagbabawal ang presensya ng mga operatiba ng Hezbollah.

Sa magkasanib na pahayag ng Estados Unidos, Israel, at Lebanon, nakasaad na ang kasunduan ay nakasalalay sa ganap na pagtigil ng putukan ng Hezbollah.

Gayunman, iginiit ni Qassem na ang tinatawag na ceasefire ay katumbas ng pagsuko at magsisilbi lamang umano sa layunin ng Israel, partikular ang pag-atras ng kanilang mga puwersa mula sa katimugang hangganan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nananatiling hati ang pananaw sa publiko sa Beirut, partikular sa mga lugar na itinuturing na kuta ng Hezbollah, kung saan may mga residente na nagdududa sa epektibidad ng kasunduan at naniniwalang hindi maaaring maganap ang tigil-putukan kung isang panig lamang ang susunod.