Inalok ng Japan ang mga bansang kasapi ng ASEAN na gamitin ang hindi nagagamit na kapasidad ng kanilang crude oil storage facilities bilang paghahanda sa posibleng krisis sa enerhiya sa rehiyon.

Inihayag ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi ang inisyatiba sa pulong ng mga lider ng ASEAN sa Maynila, kung saan kabilang sa mga pangunahing usapin ang seguridad sa suplay ng enerhiya.

Sa ilalim ng POWERR Asia initiative, maaaring mag-imbak ang mga bansang ASEAN ng kanilang reserbang krudo sa mga pasilidad ng Japan at makuha ang mga ito sakaling magkaroon ng krisis sa suplay.

Ayon kay Japanese Foreign Ministry Press Secretary Toshihiro Kitamura, may reserba ang Japan na katumbas ng 254 na araw na suplay ng langis, habang ilang bansa sa ASEAN ay may mas mababa sa isang buwang reserba nang magsimula ang sigalot sa Middle East noong Pebrero.

Bukod dito, nakahanda rin ang Japan na tulungan ang mga bansang ASEAN na magtayo ng sarili nilang pasilidad para sa pag-iimbak ng langis.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na kabilang sa nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at Japan ang tulong sa pagpapalawak ng mga pasilidad na pag-iimbakan ng diesel, gasolina at krudo upang matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya sa bansa.