
Nagalit at nadismaya si Jasmine Curtis-Smith kay Rep. Bong Suntay sa mga sinabi niyang hindi katanggap-tanggap tungkol sa kanyang kapatid na si Anne Curtis.
Sinabi ni Jasmine sa kanyang Facebook na ang nasabing usapin ay hindi lang para sa kanyang kapatid kundi para sa lahat ng babaeng artista.
Binatikos ni Jasmine ang pagkukuwento ni Suntay sa publiko ang kanyang pagnanasa at imahinasyon sa isang babae na kanyang nakita, na tila ito ay normal lamang.
Idinagdag pa ni Jasmine na inaasahan sa public officials na isulong ang diskurso at hindi ito pahinain, at iginiit na dapat na pinagtutuunan ng pansin ang mga kontribusyon at liderato ng mga kababaihan sa lipunan.
Sinabi din niya na ang mga sinabi ni Suntay ay wala namang nagawang masama sa tao na laman ng kanyang imihinasyon.
Ayon sa kanya, hindi dapat na itinuturing na ang nasabing hakbang ni Suntay ay pagpapakita lamang ng kanyang pagiging tapat o isang papuri.
Kasabay nito, nanawagan siya ng pananagutan sa mga taong nasa kapangyarihan.
Ayon sa kanya, kung nais ng publiko ang mas ligtas na lugar para sa mga anak na babae, mga pamangkin, at susunod na mga lider, dapat na magsimula ito sa mga halal na mga opisyal.
Kasabay nito, tinawag ni Jasmine si Suntay na “kadiri.”
Matatandaan na sinabi ni Suntay sa pagdinig sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte sa House committee on Justice kahapon na nag-init ang kanyang katawan at pagnanasa nang makita niya si Anne Curtis.
Sinabi niya na pumasok sa kanyang imahinasyon kung ano ang pwedeng mangyari.
Subalit sinabi niya na ito ay imahinasyon lamang niya, at hindi naman umano siya pwedeng kasuhan dahil sa kanyang imahinasyon.






