Matapos ang sunod-sunod na linggong oil price hike, sa unang pagkakataon ay magpapatupad naman ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa ngayong taong 2025 na magiging epektibo bukas ng umaga.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng katiting na bawas-presyo na P0.80 sa kada litro ng gasolina, P0.20 sa kada litro ng diesel at P0.50 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May oil price rollback din sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng madaling araw.

Ang ipatutupad na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.