

Nagpatupad ng temporary ban ang Pamahalaang Panlalawigan ng Kalinga sa pagpasok ng mga karne ng baboy at mga produkto nito na magmumula sa ilang mga apektadong bayan sa Isabela dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Kabilang ngayon sa mga bayan sa Isabela na apektado ngayon ng ASF ay ang Angadanan, Roxas, Luna, Quirino, Gamu at Echague.
Ayon kay Gov. James Edubba ng Kalinga, bahagi ito ng kanilang pagtiyak na hindi maaapektohan ang mga nag-aalaga ng baboy sa kanilang probinsya lalo na at maliit lamang ang supply at nag-aangkat din sila sa mga karatig probinsya tulad ng Isabela at Cagayan.
Punto pa niya na iniingatan lamang nila ang kanilang hog industries upang hindi naman maapektohan ang mga nag-aalaga at maiwasan ang pagkalugi lalo na kung tatamaan lang ng naturang virus.
Gayonman ay nilinaw niya na pinapayagan pa rin namang makapasok sa Kalinga ang mga produkto na galing sa iba pang bayan ng Isabela at Cagayan na hindi apektado ng sakit.
Saad ng gobernador, mahigpit ngayon na nakabantay ang kanilang monitoring team at lahat ng mga pumapasok na produktong baboy sa kanilang probinsya ay hinahanapan ng kaukulang dokumento na katunayang galing ito sa mga lugar na hindi apektado ng ASF.
Sa oras aniya na maideklarang malinis na sa ASF ang mga nabanggit na bayan ay agad din nilang babawiin ang ipinatutupad na temporary ban sa kalinga.




