
Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magtataas sa mandatory retirement age ng mga miyembro ng Philippine National Police mula 56 patungong 57 taong gulang.
Nakakuha ang House Bill 8702 ng 233 boto pabor, walang tumutol, at isang abstention sa plenary session nitong Martes.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Section 39 ng Republic Act 6975 o Department of the Interior and Local Government Act of 1990.
Isa sa may-akda ng panukala na si House Majority Leader and Ilocos Norte First District Rep. Ferdinand Alexander Marcos ng Ilocos Norte, sinabi na napapanahon at mahalaga ang pagtataas ng retirement age ng mga pulis.
Ayon kay Marcos, makatutulong ito upang mas mapakinabangan ng pamahalaan ang karanasan, pagsasanay, at kaalaman ng mga opisyal ng pulisya.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang pananatili ng mga beteranong pulis sa serbisyo upang mapanatili ang katatagan at maayos na pamumuno sa law enforcement operations.
Sinabi rin ni Marcos na naaayon ang panukalang ito sa naunang pagpasa ng Republic Act 11939 noong 2023 na nagtaas din sa compulsory retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines mula 56 patungong 57 taong gulang.










