
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang internal cleansing program nito para matiyak na tuluyang maalis sa kanilang hanay ang tinatawag na ‘ninja cops’.
Binigyang-diin ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na nananatili ang organisasyon sa zero-tolerance policy laban sa mga tiwaling tauhan na sangkot sa ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na gawain.
Ang terminong ‘ninja cops’ ay tumutukoy sa mga tauhan ng PNP na umano’y nagbebenta ng ilegal na droga na nasamsam sa mga operasyon ng pulisya.
Naging matunog ito sa publiko noong kasagsagan ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Para maiwasan ang muling paglitaw ng mga ganitong indibidwal, sinabi ni PGEN Nartatez na mas pinaigting ang recruitment at vetting process para sa mga bagong pulis.
Pinaalalahanan din ng hepe ng PNP ang mga pulis na panindigan ang kanilang sinumpaang tungkulin at umiwas sa mga ilegal na gawain habang nasa serbisyo.










