
Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi nakapinsala sa kanilang depensa ang pag-atras ni dating law school dean Ralph Sarmiento bilang unang testigo sa impeachment trial.
Ayon kay defense spokesperson Michael Poa, personal silang nadismaya sa desisyon ni Sarmiento ngunit iginalang nila ang pasya nitong umatras matapos makipag-usap sa pamilya.
Giit ni Poa, hindi ito naging hadlang o malaking kawalan sa kanilang kaso at wala rin silang sama ng loob sa dating testigo.
Samantala, kumpiyansa ang depensa na haharap sa impeachment court ang iba pa nilang mga testigo. Kabilang dito si Atty. Suzette Punay na humiling na maipagpaliban ang kaniyang pagdalo upang sumailalim sa MRI examination.
Sinabi ni Poa na agad silang naghain ng kahilingan sa impeachment court at umaasa silang makapagbibigay ng testimonya si Punay sa itinakdang panibagong petsa.










