Muling humirit sa Korte Suprema ang kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Kasunod ito ng putukan at lockdown sa Senado noong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa abogado ni Dela Rosa, naghain sila ng urgent manifestation sa SC para ipaalam ang mga nangyari sa loob at paligid ng Senado.

Kinondena ng kampo ni Dela Rosa ang insidente at sinabing hindi dapat malagay sa peligro ang Senado, mga senador, empleyado, media, at mga bisita.

Iginiit din nila na kung may warrant man laban kay Dela Rosa, dapat itong manggaling sa korte sa Pilipinas at dumaan sa tamang proseso.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din ng kampo ni Dela Rosa ang umano’y presensya ng NBI sa GSIS at iba pang insidente malapit sa Senado.

Samantala, sinabi ng Malacañang na ang unang “warning shot” ay pinaputok umano ng Senate sergeant-at-arms na si retired Police Major General Mao Aplasca.

Itinanggi naman ng NBI na may operasyon sila sa loob ng Senado at sinabing nasa GSIS lamang ang kanilang mga tauhan para tumulong sa seguridad.

Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant ng ICC kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa kasagsagan ng war on drugs mula 2016 hanggang 2018.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng TRO ang Korte Suprema.