Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na muling ihain ng prosecution ang kaso laban sa kaniya, dahil umano sa paglabag sa kaniyang karapatan na malaman ang dahilan at laman ng mga kasong isinampa laban sa kaniya.

Sa isinumiteng motion na pirmado ni lead defense counsel Peter Haynes, kinuwestiyon ng depensa kung bakit isinama pa sa kaso ang mga naunang alegasyon laban kay Duterte.

Ayon sa kampo, ang nararapat na remedyo ay ang muling paghahain ng kaso ng prosecution at pagbibigay kay Duterte ng sapat na impormasyon tungkol sa mga paratang laban sa kaniya.

Magugunitang nahaharap si Duterte sa tatlong counts ng crime against humanity kaugnay ng madugong kampanya laban sa ilegal na droga noong panahon ng kaniyang administrasyon.

Patuloy na dinidinig ng ICC ang kaso habang isinusulong ng depensa ang mga mosyon nito para sa dating pangulo.

-- ADVERTISEMENT --