
Naghain ng reply affidavit ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa Tanggapan ng Piskalya sa Taguig nitong Lunes kaugnay ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga.
Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., ito ang tugon ng Bise Presidente sa counter affidavit na inihain ni Madriaga, na umano’y nagpakilalang bagman ni Duterte—isang paratang na itinanggi ng kampo ng Bise Presidente.
Iginiit ni Panelo na nabigo si Madriaga na pasinungalingan ang mga alegasyon ng perjury laban sa kanya at lalo pa umanong nadidiin sa kanyang isinumiteng mga karagdagang ebidensiya.
Sinabi rin ni Panelo na hindi patunay ng malapit na ugnayan ang mga larawang ipinakita ni Madriaga kung saan kasama umano nito ang Bise Presidente sa mga virtual meeting.
Aniya, bahagi lamang ito ng malakihang pagpupulong ng isang grupo kung saan isa si Madriaga sa maraming dumalo.
Dagdag pa ni Panelo, pinag-aaralan na ng kampo ni Duterte ang posibilidad ng paghahain ng karagdagang kasong perjury laban kay Madriaga kaugnay ng kanyang supplemental affidavit na isinumite sa House Justice Committee.










