
Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na sasagutin ng kanyang kampo ang mga tanong kaugnay sa isyu ni “Mary Grace Piattos” at paggamit ng confidential funds sa oras na talakayin ito sa impeachment proceedings.
Ayon sa bise-presidente, pinili ng kanyang defense team na huwag munang detalyadong sagutin ang mga alegasyon bilang bahagi ng kanilang legal strategy sa pagharap sa kaso.
Ipinaliwanag ni Duterte na may umiiral na batas na nagpoprotekta sa confidential funds dahil konektado ito sa intelligence operations ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, ang naturang pondo ay ginagamit umano upang makakuha ng impormasyon laban sa mga banta sa seguridad ng bansa, kabilang ang mga rebelde tulad ng New People’s Army.
Kaugnay nito, binanggit din niya ang Makabayan Bloc na aniya’y kritikal sa paggamit ng confidential funds dahil sa paniniwalang ginagamit ito para kumuha ng intel laban sa mga grupong may kaugnayan sa insurhensiya.










