Ibinasura ng Municipal Trial Court ng Kasibu, Nueva Vizcaya ang mga kasong grave coercion at resistance and disobedience to a person in authority laban sa tatlong katutubong environmental defender na sina Donny Dugay, Leijin Dugay at June Fiataccag.

Sa pahayag ng Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan (ANVIK), walang judicial probable cause upang ituloy ang mga kaso dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na nasa pampublikong kalsada ang barikadang itinayo ng mga residenteng tumututol sa pagmimina.

Una rito, inaresto ang tatlo noong Agosto 19, 2026 matapos magtayo ng barikada upang harangin ang mga sasakyang may kargang pitong drum ng krudo sa Barangay Pao, Kasibu, na gagamitin umano sa mining exploration ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC).

Ayon sa ANVIK, tagumpay ang desisyon para sa mga katutubong tagapagtanggol ng kalikasan na umano’y nahaharap sa mga kasong naglalayong takutin at patahimikin ang mga aktibista.

Kasabay nito, nanawagan ang grupo na ibasura ang iba pang mga kasong isinampa laban sa mga magsasaka at aktibista sa Cagayan Valley at hinikayat ang publiko na suportahan ang kampuhan ng mga magsasaka sa Oktubre 15 hanggang 21.

-- ADVERTISEMENT --