
Nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa administrasyong Marcos na ipatupad ang arrest warrant laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
Ayon kay Atty. Neri Colmenares, abogado ng mga biktima ng EJK, kailangang panagutin ang mga indibidwal na posibleng nagtatago o kumukupkop sa senador. Hinimok din niya ang mga awtoridad na magsampa ng kaukulang kaso laban sa sinumang nagbibigay ng kanlungan dito.
Binigyang-diin ni Colmenares na hindi lamang legal na obligasyon ang pagpapatupad ng arrest warrant kundi bahagi rin ng paghahanap ng katarungan para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa drug war.
Kasabay nito, sinuportahan ni Colmenares ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang habeas corpus petition na inihain ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang kuwestiyunin ang pag-aresto at pagkakakulong nito.
Ipinaliwanag niyang ibinasura ang petisyon dahil wala na sa kustodiya ng pamahalaan ng Pilipinas si Duterte at nasa hurisdiksiyon na ito ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Gayunman, nilinaw ni Colmenares na ang dismissal ng habeas corpus petition ay hindi nangangahulugang awtomatikong legal ang pag-aresto kay Duterte. Magkaibang usapin aniya ang legalidad ng pag-aresto sa ilalim ng Republic Act 9851 at ang layunin ng writ of habeas corpus na suriin kung naaayon sa batas ang pagkakakulong ng isang tao.










