Binawi ang year-end bonus ng kauna-unahang corgi police dog ng China na si Fu Zai matapos siyang mahuli na natutulog sa trabaho at umihi sa kanyang sariling pagkainan.
Ipinanganak si Fu Zai noong August 2023, at pumasok siya sa police force sa Weifang, Shandong province, bilang reserve explosives-detection operative noong January 2024.
Naging viral sensation si Fu Zai dahil sa kanyang mapupungay na mga mata, maliliit na mga paa at napakagaling na skills, at nagtapos para maging ganap na qualified police dog.
Ang unang inilabas na video ni Fu Zai ay noong January 19, kung saan makikita na nakaupo siya sa lamesa sa tapat ng isang pulis, na pumuri sa aso dahil sa pagpapaangat sa profile ng ibang Weifang canine dogs.
Sinabi ng pulis sa video, nakapasa si Fu Zai sa Level 4 assessment, at matagumpay na nakumpleto nito ang maraming security tasks.
Dahil dito, binigyan si Fu Zai ng pulang bulaklak, delata na pagkain at mga laruan.
Subalit ang mga pabuya kay Fu Zai ay binawi sa isang iglap, matapos na isiwalat ang mga hindi tamang ginawa ng aso, kabilang ang pagtulog habang nasa trabaho at umihi sa kanyang sariling pagkainan.
Sinabihan ng pulis sa video si Fu Zai na dapat na pagbutihin niya ang kanyang trabaho.
Maraming netizens ang natuwa sa video, kung saan may ilan na umiyak pa at umapela sa pulis na ibinigay ang buong bonus ni Fu Zai.
Sa sumunod na video noong Jan. 22, sinabi ng pulis sa publiko na nakatanggap na si Fu Zai ng maraming treats, kabilang ang pet-friendly version ng Chinese delicacy na Buddha Jumps Over the Wall, Pacific herring fish, pumpkin soup, rabbit meatballs at dumplings.
Ibinigay din kay Fu Zai ang Annual Award of Defying Fate bilang bahagi ng Chinese New Year sa video noong Jan 25.