Nagbabala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na maaaring humina ang ekonomiya ng bansa kung lalala pa ang krisis sa Middle East, kabilang ang pagtaas ng kawalan ng trabaho at kahirapan.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Arsenio Balisacan na sa “most severe scenario,” maaaring bumagal ang paglago ng ekonomiya sa 3.5% hanggang 4%, mas mababa sa target ng pamahalaan na 5% hanggang 6%.

Ayon sa ahensya, posibleng tumaas ang unemployment rate sa 5.67% hanggang 5.84%, habang aabot sa 12.39% hanggang 12.55% ang poverty incidence dahil sa epekto ng mataas na presyo ng langis at paghina ng economic activity.

Dagdag pa rito, maaaring mabawasan ng hanggang P167.45 bilyon ang remittances kung magkakaroon ng malawakang pagpapauwi ng mga overseas Filipino worker mula sa Middle East.

Binigyang-diin ng DEPDev na ang mga senaryong ito ay nakabatay sa posibleng paglala ng tensyon sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon, na may direktang epekto sa suplay at presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon at pinag-aaralan ang mga hakbang upang mabawasan ang epekto nito sa ekonomiya at sa kabuhayan ng mga Pilipino.