TUGUEGARAO CITY-Napuno ng hinagpis ang paliparan ng Tuguegarao City kaninang umaga matapos na lumapag ang C925 plane ng Philippine Air Force lulan ang labi ni PFC John Paul Adalim na isa sa dalawang sundalo na tinambangan sa Camalig, Albay.

Kasama ni John Paul na namatay si PFC June Esico habang sila ay namimili ng supply na dadalhin sana nila sa rescue operation sa nawalang Cessna plane.

Tila sumabay din ang panahon sa pagluluksa dahil kasabay ng paghihinagpis ng pamilya at mga kamag-anak ni John Paul ay bumuhos ang ulan.

Sumalubong din sa labi ng John Paul ang ilang sundalo at mga pulis na nagbsilbi ring escort sa pagbiyahe sa labi nito sa kanilang tahanan sa Centro, Enrile, Cagayan.

Si John Paul ay nakatalaga sa 31st Infantry Battalion.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isinakay din ng C925 aircraft ang labi ng isang miembro ng NPA na namatay sa engkwentro sa bayan ng Baggao kamakailan.

Ang mga labi ni Ka Sisoy ay dadalhin sa Naga City Airport bago siya iuuwi ng kanyang pamilya sa bayan ng Talaingud, Davao Del Norte.

Si Ka Sisoy ay isa sa dalawang NPA na namatay sa magkasunod na engkwentro sa bayan ng Baggao kung saan sugatan din sa labanan ang isang Filipino-Japanese na ngayon ay nagpapagaling sa kampo ng 5th Infantry Division sa Isabela.