
Inakusahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson si Senator Rodante Marcoleta ng indirect bribery bilang miyembro ng House of Representatives.
Ginawa ni Lacson ang alegasyon sa kanyang privilege speech kahapon, kung saan sinagot niya ang mga pagbatikos sa kanya ni Marcoleta sa kanyang paghawak sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa eskandalo sa flood control projects.
Tinukoy ni Lacson ang depensa ni Marcoleta sa kanyang umano’y misdeclaration ng kanyang Statement of Contributions and Expenses sa Halalan 2025.
Sinabi ni Lacson na nang maglabas ng show cause ang Commission on Elections, binago ni Marcoleta ang kanyang mga sinabi kung saan sinabi niya na tumanggap siya ng mga kontribusyon nang hindi pa siya kandidato batay sa naging desisyon ng Korte Suprema.
Subalit sinabi ni Lacson na inamin ni Marcoleta na tumanggap siya ng pera para magkaroon siya ng utang na loob sa taong nagbigay nito – isa umanong maliwanag na “Admission against Interest.”
Ipinunto ni Lacson na ito pasok sa ilalim ng indirect bribery.
Matapos ang talumpati ni Lacson, nagsalita naman si Marcoleta at sinabing na ang buong talumpati ni Lacson ay puno ng personal na pag-atake sa pagsagot sa kanyang mga kritisismo.
Sinabi pa ni Marcoleta na kung sasagutin niya lahat ang mga ipinunto ni Lacson ay mauubos ang oras at matatakpan ang tunay na usapin tungkol sa korapsyon.
Sinagot naman siya ni Lacson, at sinabing hindi siya ang nagsimula nito.
Ayon kay Lacson, napuno na siya sa paulit-ulit na pagbanat sa kanya ni Marcoleta, kaya tama lamang na sagutin at ipaliwanag din niya ang kanyang panig.
Subalit sa panahon ng kanilang bangayan, hindi sinagot ni Marcoleta ang tungkol sa kanyang tinanggap na campaign contributions.
Kasabay nito, sinabi ni Lacson na handa pa rin siya na ituloy ang imbestigasyon sa flood control scandal, kaya hiniling niya sa mga kapwa niya senador bilisan ang pag-aaral sa mahigit 400 na pahinang committee report.










