Kinuwestiyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang Department of Public Works and Highways o DPWH matapos lumabas umanong nasa Leyte ang coordinates ng mga geotagged photo para sa isang proyekto sa Taguig City.

Ayon kay Lacson, ang mga larawang kalakip ng billing reports ay may coordinates na humigit-kumulang 600 kilometro ang layo sa Leyte Province, kaya hiniling niya kay DPWH Secretary Vince Dizon na ipaliwanag ang naturang discrepancy.

Sinabi rin ng senador na ang contractor ng proyekto ay St. Timothy Construction, na iniugnay niya sa mag-asawang Discaya na nasangkot sa imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects.

Hindi pa naman pinal na napatutunayan ang naturang alegasyon.

Nauna nang sinabi ni Dizon na wala pa umanong natutukoy na ghost o non-existent infrastructure project sa Taguig.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, 107 proyekto ang nakalista sa lungsod at lahat ay may accomplishment.

Iginiit ni Lacson na taliwas umano ito sa ilang site inspection report ng DPWH na nagsasabing may mga proyektong idineklarang completed ngunit hindi na-validate ang pisikal na presensya sa lugar.

Wala pang inilalabas na pahayag si Dizon hinggil sa alegasyon ni Lacson.