Arestado ang isang lalaki matapos umano niyang saksakin ang kaniyang katrabaho sa isang construction site sa Quezon City dahil sa umano’y matagal na alitan at pambubully.

Naganap ang insidente sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay Greater Lagro.

Ayon sa pulisya, nagkaroon umano ng pisikal na komprontasyon ang dalawang magkatrabaho na nauwi sa pananaksak.

Sinabi ni Pasong Putik Police Station 16 commander PLt. Col. Timothy Aniway na may nauna nang alitan ang suspek at biktima bago ang insidente.

Gamit umano ang matulis na piraso ng metal, sinaksak ng suspek ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa magkabilang pisngi at likod.

-- ADVERTISEMENT --

Dinala agad sa ospital ang biktima habang naaresto naman ang suspek ng mga awtoridad.

Hindi na narekober ang ginamit umanong armas.

Itinanggi ng suspek ang paratang at iginiit na matagal na siyang binubully at pinupukaw ng away ng biktima.

Ayon sa kaniya, ipinagtanggol lamang niya ang sarili matapos umano siyang ilagay sa headlock.

Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.