
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) ang agarang suporta at tulong sa mga estudyanteng nasugatan sa isang insidente sa pribadong paaralan sa General Trias, Cavite.
Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na ito sa pamunuan ng paaralan at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na mabibigyan ng kinakailangang medikal, psychosocial, at iba pang suporta ang mga apektadong mag-aaral.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, pitong Grade 5 students ang nasugatan matapos umanong saksakin ng isang Grade 8 student gamit ang kitchen knife sa loob ng isang paaralan sa Barangay Sta. Clara nitong Martes.
Agad namang nagtungo sa lugar si General Trias City Mayor Luis “Jon-Jon” Ferrer IV kasama ang mga kinatawan ng pulisya, City Social Welfare Office, at DepEd upang tiyakin ang agarang pagtugon sa insidente at pagsasagawa ng imbestigasyon.
Bilang bahagi ng standard operating procedures, pansamantalang sinuspinde ang mga klase sa naturang paaralan habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Nanawagan naman ang DepEd sa publiko na igalang ang privacy, dignidad, at karapatan ng mga menor de edad na sangkot sa insidente at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Binigyang-diin ng ahensya na nananatiling prayoridad nito ang kaligtasan, kapakanan, at mental health ng mga mag-aaral habang patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon ng insidente.










