
Inaresto ng pulisya sa France ang isang lalaki matapos nitong pagsasaksakin ang tatlong babae malapit sa Porte de Clichy sa Paris noong Lunes. Ayon kay French Interior Minister Laurent Nuñez, dalawang babae na edad 24 at 36 ang nagtamo ng matinding sugat, habang nasugatan din ang isang 19-anyos na biktima.
Batay sa bidyong nakumpirma ng Reuters, makikita ang suspek na may hawak na tig-isang malaking kutsilyo sa magkabilang kamay habang inaatake ang isa sa mga biktima. Kalaunan ay napigilan siya ng mga sibilyan bago tuluyang arestuhin ng isang pulis na wala sa oras ng trabaho.
Pinuri ni Interior Minister Nuñez ang pulis sa ipinakitang katapangan sa pagdakip sa suspek. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pag-atake dahil hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki at umano’y hindi malinaw ang kanyang mga pahayag nang siya ay arestuhin. Sinusuri na rin ng French national anti-terrorist prosecutor kung may batayan upang magsagawa ng pormal na imbestigasyon.










