Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa mga suspek na sangkot sa pamamaril-patay sa dalawang pulis noong March 8, 2025 sa isang buy-bust operation sa Bocaue, Bulacan.
Kinilala ng PNP ang suspek na isang 38-anyos na mula sa Pandi, Bulacan.
Nakuha sa suspek ang isang .38 caliber revolver, granada, motorsiklo na may sidecar, at pera na ginamit sa operasyon.
Tinutugis pa ang iba pang suspek, at natagpuan ang isang motorsiklo na ginamit umano ng mga ito sa kanilang pagtakas sa Barangay Bunsuran II.
Nasawi sina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz sa engkwentro, kung saan si Cudiamat ay agad binawian ng buhay habang si Dela Cruz ay namatay sa pagamutan.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng buy-bust operation sa Sitio Tugatog, NIA Road, Barangay Tambubong, Bocaue, Bulacan ang dalawang pulis nang bigla silang pagbabarilin ng suspek.
Matapos ang insidente, tinangay pa ng suspek ang baril ni Cudiamat bago tumakas patungong bayan ng Pandi.
Samantala, kinilala ng PNP ang katapangan at dedikasyon ng dalawang pulis sa pagpapatupad ng batas.
Tiniyak ng PNP sa pamilya ng mga biktima na makakamit ang hustisya kasabay ng patuloy na pagtugis sa natitirang suspek.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa agarang paghuli sa natitirang suspek.