Binawian ng buhay ang isang 36-anyos na lalaki matapos sumalpok ang minanehong kolong-kolong sa kasalubong na elf truck sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si alyas “Khan”, may-asawa at residente ng Brgy. Centro Sur, Alcala.

Ayon kay PCAPT Leaf Bernard Guya, deputy chief of police ng PNP-Peñablanca na aksidenteng tumama sa bato ang gulong ng kolong-kolong na dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang biktima sa paakyat at pakurbadang bahagi ng lansangan sa Brgy Quibal.

Dahil dito, napunta sa kabilang linya ng kalsada ang biktima at tumama ang ulo nito sa lulan na farm machineries ng elf truck na minaneho ni alyas “Mike”, 32-anyos at residente ng Brgy. San Francisco, Baggao.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima kung saan idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na papuntang Baggao ang elf truck habang magde-deliver naman sana ng mga kagamitan ang driver ng kolong-kolong para sa kanyang kabubukas na negosyong pansiteria.