Inamin ng isang 32-year-old na lalaki mula sa India na pinutol niya ang kanyang apat na daliri upang hindi na siya magpatuloy sa kanyang trabaho nilang computer operator sa kumpanya ng kanyang kamag-anak.
Kamakailan, pumunta sa police station si Mayur Tarapara sa lungsod ng Surat para i-report na pinutol ang apat niyang daliri sa kanyang kaliwang kamay.
Ayon sa kanya, sakay siya ng motorsiklo papunta sa bahay ng kaibigan nang mahilo siya at nawalan ng malay.
Nang magising siya makalipas ang 10 minuto, wala na umano ang ang kanyang apat na daliri.
Unang pinaniwalaan ng mga pulis na ninakaw ang mga daliri ng lalaki para sa black magic rituals, subalit may mga natuklsan sila na butas sa kuwento ni Mayur.
Tinignan ng mga imbestigador ang CCTV footage sa lugar kung saan sinabi ng biktima na natumba siya at nag-imbestiga rin ng mga saksi, subalit wala silang nakita na patunay sa sinabi ni Mayur.
Nakita nila sa CCTV video na ipinarada ng lalaki ang kanyang motorsiklo sa gilid ng kalsada at naglakad palayo at nang bumalik ay sugatan na ang kanyang kanang kamay.
Wala ring nakakita na nahimatay siya sa gilid ng kalsada.
Matapos na isailalim sa masusing pagtatanong ang lalaki, inamin niya na pinutol niya ang kanyang mga daliri.
Ayon sa kanya, bumili siya ng kutsilyo sa isang shop, at makalipas ang apat na araw, pumunta siya sa Amroli Ring Road at ipinarada ang kanyang motorsiklo.
Kasunod nito ay pinutol niya ang apat niyang daliri at tinalian niya ang ibaba ng kanyang siko upang mapigilan ang pagdurugo.
Inilagay umano niya ang kutsilyo at apat niyang daliri sa supot at itinapon.
Sinabi ng lalaki na ginawa niya ang pagputol sa kanyang mga daliri dahil sa hindi niya kayang sabihin sa kanyang kamag-anak na may-ari ng diamond company na ayaw niyang magtrabaho sa kanilang kumpanya.
Nahanap naman ng mga pulis ang kanyang mga daliri, subalit patuloy ang pangangalap nila ng karagdagang impormasyon sa nasabing insidente.