TUGUEGARAO CITY- Posible na ang malaking pagkakautang dahil sa “Online Sabong” ang dahilan nang umanoy pagpapakamatay ng isang 29-anyos na delivery boy sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa isang puno sa bayan ng Sta Teresita, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Salvador Gumarang Assuncion, may-asawa at residente ng San Vicente, Buguey, Cagayan.
Ayon kay PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sta Teresita, dakong alas 8:30 ng umaga nitong Linggo nang madiskubre ang nakabiting katawan ng biktima gamit ang lubid sa isang pomelo tree na matatagpuan sa bukiring bahagi ng Barangay Dungeg.
Nakita rin ang isang suicide note sa katabing kubo na nagsasaad ng paghingi nito ng tawad sa malaking pagkakautang na nagkakahalaga ng P200K dahil sa pagkalulong niya sa online sabong o talpakan na kinumpirma naman ng kanyang mga kaanak.
Sa ngayon ay palaisipan pa sa pulisya kung nagpakamatay nga ba o pinatay ang biktima dahil sa sintas na sapatos na nakatali sa kanyang dalawang kamay.
Huling nakitang buhay ang biktima sa naturang lugar noong araw ng Sabado.