
Arestado ang isang 33-anyos na lalaking wanted sa kasong murder matapos ang halos anim na buwang pagtatago sa Barangay Malinta, Valenzuela City.
Ayon sa ulat, dinakip ang suspek ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District matapos isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya.
Batay sa imbestigasyon, nagtago ang lalaki sa iba’t ibang lugar sa CAMANAVA at Bulacan mula nang mabaril at mapatay umano niya ang isang lalaki sa Caloocan noong Disyembre 2024.
Ayon kay Police Lt. Col. Alain Licdan, hepe ng DSOU, nag-ugat umano ang krimen sa “onsehan” o hindi pagkakaintindihan kaugnay ng ilegal na droga.
Sinundan umano ng suspek ang biktima sa Caloocan at pinagbabaril ito na agad ikinasawi ng huli.
Nang madakip, nakumpiskahan ang suspek ng isang kargadong baril at isang balisong, ngunit hindi siya nakapagpakita ng anumang dokumento para sa mga ito.
Napag-alaman din ng mga pulis na dati na itong nasangkot sa iba’t ibang krimen.
Batay sa rekord ng DSOU, sangkot na siya sa robbery noong menor de edad pa, sa ilegal na droga sa edad na 18, at sa double murder ng mga kagawad sa Malabon sa edad na 24.
Sa pagsusuri sa kanyang cellphone, natuklasan din ng mga pulis na may mga komunikasyon pa siya tungkol sa iba pang target na umano’y bibirahin.
Inamin naman ng lalaki ang pamamaril sa biktima, at iginiit na nauna lamang siyang kumilos dahil binantaan umano siya ng biktima.
Kasalukuyang inihahanda ang mga dokumento para sa return of warrant, habang haharap din siya sa kasong illegal possession of bladed weapon at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa Omnibus Election Code.