Muling ipatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fixed pick-up fare para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) upang matugunan ang reklamo ng mga driver sa tumataas na gastusin sa operasyon.

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular 2025-058, magtatakda ng nakapirming halaga ng pick-up fee depende sa uri ng sasakyan at layo ng susunduin.

Hindi naman papayagan ang dagdag na pick-up fare lampas sa limang kilometro.

Ayon sa LTFRB, layunin ng polisiya na balansehin ang kapakanan ng mga pasahero at ang pangangailangan ng mga TNVS driver para sa mas makatarungang kita.

Inaatasan din ang mga Transportation Network Company (TNC) na malinaw na ipakita ang pick-up fare sa breakdown ng bayarin bago kumpirmahin ng pasahero ang booking, at tiyaking direktang mapupunta sa driver ang nasabing halaga.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng ahensya na ang hakbang ay makatutulong upang mapanatili ang sapat na bilang ng mga available na biyahe at mabawasan ang dagdag na gastos ng mga driver.