Inakusahan ni Leandro Leviste si CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola at Executive Secretary Ralph Recto ng umano’y pakikipagsabwatan sa isang sistema ng pagnenegosyo kaugnay ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways.

Ayon kay Leviste, inilahad sa kanya sa isang hapunan noong Abril 16 ang umano’y alok na makipag-partner sa isang pamamaraan kung saan tutukoy siya ng mga lugar para sa road opening projects, habang ang mga kasabwat umano ay makikilahok sa pagbili ng mga lupang maaapektuhan.

Sinabi pa ni Leviste na sa naturang sistema, si Recto umano ay makatutulong sa pagpopondo ng mga proyekto bilang miyembro ng Gabinete, habang si Gardiola naman ay may impluwensya sa DPWH at maaaring tumutok sa pagkuha ng mga contractor.

Ayon pa sa kongresista, may mga kuwento rin umano mula sa iba’t ibang indibidwal na ganito ang naging sistema sa ilang proyekto sa Batangas, partikular sa Lipa City.

Binanggit din niya ang umano’y pag-aari o kontrol sa mga kontrata at kampanya na umabot sa higit ₱1 bilyon, na kaugnay ng ilang kandidato sa nakaraang halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, hinimok ni Leviste si Communications Undersecretary Claire Castro na tugunan ang isyu kung hindi magsasalita si Recto, at tinanong din niya kung bakit hindi pa ito isinasalang sa Commission on Appointments.

Wala pang pahayag ang kampo nina Gardiola at Recto kaugnay ng mga akusasyon.