Inaasahang mas magiging istrikto si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez kaysa sa kaniyang pinalitang si Vince Dizon, partikular sa pagtugon sa korapsyon sa ahensya.

Ayon kay Dizon, malaking sorpresa ang naghihintay sa mga umaasang magiging mas maluwag si Lopez sa pagpapatupad ng mga reporma, dahil naniniwala siyang mas mahigpit ito sa kaniya, lalo na sa pagsusuri ng mga numero at dokumento.

Binigyang-diin naman ni Lopez na wala siyang utang na loob sa sinumang opisyal o empleyado ng DPWH, kaya hindi siya mag-aatubiling mag-imbestiga o magsuspinde ng mga sangkot sa katiwalian.

Sa ilalim ng pagbabago sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magpapalitan ng puwesto sina Dizon at Lopez, kung saan babalik si Dizon sa Department of Transportation o DOTr.

Bilang bahagi ng turnover, iniabot ni Dizon kay Lopez ang mga dokumento tungkol sa mga opisyal at empleyadong iniimbestigahan sa iba’t ibang paglabag.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Dizon, mahigit 80 tauhan na ng DPWH ang natanggal sa puwesto sa nakalipas na isang taon. Nasa 39 kaso naman na may kaugnayan sa anomalya sa flood control projects ang naisampa sa korte, habang mahigit 50 indibidwal ang nakakulong o may nakabinbing warrant of arrest.

Partikular ding pinayuhan ni Dizon si Lopez na tutukan ang Bulacan, isa sa mga lugar na iniugnay sa kontrobersiya sa mga proyektong pangkontrol sa baha.