Nanawagan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez sa mga contractor at negosyante na huwag tuksuhin ang mga opisyal ng pamahalaan na masangkot sa korupsiyon.

Sa kaniyang pahayag sa 2026 Year-End Business Economics Briefing sa University of Asia and the Pacific, iginiit ni Lopez na kailangan ang pagtutulungan ng publiko at pribadong sektor upang malinis ang hanay ng DPWH kasunod ng flood control scandal.

Inamin din ng kalihim na may ilang tauhan ng ahensya na maaaring madaling matukso sa mga alok na may kaugnayan sa korupsiyon.

Hinimok naman niya ang mga contractor na agad iulat ang sinumang tauhan ng DPWH na manghihingi ng lagay upang mapanagot ang mga ito.

Samantala, inanunsyo ni Lopez na plano niyang sibakin sa susunod na linggo ang nasa sampung project engineer ng DPWH dahil sa umano’y kabiguan ng mga ito na maayos na subaybayan ang mga proyektong pang-imprastraktura.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kalihim, may mga isinumiteng litrato ng proyekto na pawang peke at hindi tunay na nagpapakita ng aktuwal na progreso ng mga konstruksyon.

Matatandaang sa mga unang linggo ni Lopez bilang DPWH chief, sinibak na rin nito ang ilang district engineer kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa korupsiyon at pagsusulong ng mga proyektong hindi kayang ipatupad sa 2027 budget.