
Opisyal nang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang Love a Victim Center sa Brgy San Gabriel, Tuguegarao City na isang pasilidad na nagsisilbing pansamantalang tirahan para sa mga biktima ng pang-aabuso, exploitation, at human trafficking.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Mac Paul Alariao, ang center ay bukas 24/7 at accredited ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpapatunay na sumusunod ito sa pamantayan ng proteksyon at pangangalaga sa mga biktima.
Layunin ng Love a Victim Center na magbigay ng ligtas na matutuluyan sa mga biktima habang inaayos ang kanilang mga legal na dokumento at tinutugunan ang kanilang pangangailangan.
Sinabi ni Alariao na ang mga biktima ay maaaring i-refer ng mga lokal na pamahalaan o madala sa pamamagitan ng rescue operations kasama ang Philippine National Police at iba pang ahensya at tumatanggap din ang center ng mga walk-in clients.
Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ng pasilidad ang medical assistance, psychological support, seguridad, financial aid sa ilalim ng AICS, livelihood assistance, at legal counseling upang matulungan ang mga biktima sa kanilang pagbangon.
Mayroon ding monitoring system ang center upang matiyak ang kaligtasan ng mga biktima kahit matapos ang kanilang pananatili na karaniwang tumatagal ng hanggang dalawang linggo.
Plano ring palawakin ang pasilidad upang mas maraming matulungan kung saan nakapaloob din sa plano ang pagtatayo ng hiwalay na center para sa out-of-school youth at street children, gayundin ang Bahay Pag-Asa para sa mga kabataang sangkot sa batas.
Dagdag pa ni Alariao na bukas ang kanilang serbisyo sa lahat ng nangangailangan ng tulong at hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang local government units para sa agarang suporta.
Ang pagtatatag ng Love a Victim Center ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng kampanya laban sa karahasan at human trafficking sa lalawigan ng Cagayan na aniyay nakapagtala na ng tinatayang 500 kaso ng pang-aabuso, maliban pa sa mga unfiled cases o naayos sa pamamagitan ng amicable settlements.










